Naka-alerto ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Mindanao sa posibilidad na maglunsad ng sympathy attacks ang mga local ISIS-inspired groups kasunod ng pagkamatay ng ISIS leader na si Abu Bakr Al-Baghdadi.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WestMinCom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na maglunsad ng pag atake ang mga ISIS-inclined groups bilang simpatiya sa pagkamatay ni Baghdadi.
Dahil dito, ipinag utos na ni Sobejana sa mga unit commanders na paigtingin ang kanilang intelligence operations, lalo na ang mga hostile plans ng teroristang grupo.
Pinatututukan din ni Sobejana ang mga kilalang kuta ng mga Dawlah Islamiyah Abu Toraype Group breakaway group ng BIFF; Maute-ISIS group; Daesh-inspired terror group at Abu Sayyaf group sa ilalim ni Hatib Hajan Sawadjaan na target din sa ngayon ng focused military operations.
“They are on the run naman ngayon dahil sa ginagawa nating focused military operations I think they could not make any hostile plan pero we are not very ano, it should be a guarantee ano kaya lalo pa naming pinapaintensify yung ating intelligence operations at lalo pa nating pinapaigting yung ating security operations in areas where they have some amount of influence,” pahayag ni Sobejana.
Kinumpirma din ni Sobejana na nasa pitong foreign terrorist ang ina-account ng militar ngayon na mga ISIS inspired members.
Pinalakas pa ngayon ng militar ang kanilang intelligence operations at security posture sa mga urban centers, mga places of convergence at mga military camps na posibleng target ng teroristang grupo.
Naniniwala din si Sobejana na demoralized ngayon ang liderato ng SIS at IL dahil sa pagkamatay ni Baghdadi.
Si Baghdadi ay hindi kilala sa rank and file ng teroristang grupo, tanging ang mga lider lamang ng ISIS-inspired groups ang nakakakilala kay Baghdadi.
“Of course international terrorist organization particularly ISIS and IL merong demoralization sa kanilang rank because it created a very big vaccum on their leadership pero sa locally knowing hindi naman ganung kakilala si Abu Bakr Al-Baghdadi except for the mga local leaders ng ISIS inclined group natin dito I should say na hindi masyadong apektado yung rank and file unless ma-motivate ng mga liderato nila tulad nila Sawadjaan, nina Abu Toraype, and other ISIS inclined group na ipaghihigante,” ani Sobejana.