Sinimulan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Health Service Command (HSC) ang pagbibigay ng booster shot ng Pfizer/ BioNTech vaccine sa kanilang mga frontline medical personnel.
Umabot sa 1,164 health care personnel ng AFP Health Service Command ang nabigyan ng booster shot kontra COVID-19.
Sa nasabing bilang 284 mga officer, 400 enlisted personnel, 394 civilian human resources at 85 civilian employee.
Ayon kay Lt. Col. Jonathan Rico, tagapagsalita ng HSC, ang unang batch ng kanilang Health personnel na naka-6 na buwan na mula nang turukan ng pangalawang dose ng bakuna ay binigyan ng booster shot nitong Lunes sa Camp V Luna, QC.
Naka schedule naman aniya para sa kanilang booster shot sa Disyembre 1 ang susunod na batch na fully vaccinated ng Sinovac mula Abril hanggang Mayo.
Habang sa Disyembre 3 naman ang kanilang mga tauhan na naka-kumpleto ng dalawang dose ng Astra Zeneca.
Pagkatapos nito, isusunod na ang mga “immuno-compromised” category at ang third priority ang kanilang mga tauhan at dependents na 18 hangggang 60 taong gulang na may comorbidity.