Tatalima umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng regular na silent drill performance.
“We will comply with the directive of the President and Commander in Chief to have regular silent drill performances. We will determine the details,” saad ni AFP spokesperson BGen. Edgard Arevalo sa isang pahayag.
Sa closing ceremony ng 1st Presidential Silent Drill Competition sa Quirino Grandstand nitong Disyembre 20, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat na magsagawa ng military drills ang AFP araw-araw bilang paggalang sa pambansang bayani ng bansa na si Jose Rizal.
Ayon kay Pangulong Duterte, na-inspire daw ito sa kanyang naobserbahan sa isa sa kanyang mga pagbisita sa China kung saan mayroong drill na isinasagawa bago ibaba ang watawat.
Lumahok sa nasabing kompetisyon ang mga kadete mula Philippine Military Academy (PMA), Philippine National Police Academy (PNPA), Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), Philippine Army Officer Candidate School (PAOCS), Philippine Navy Officer Candidate School (PNOCS), Philippine Air Force Candidate School (PAFOCS), at Maritime Academy of Asia and the Pacific (MAAP).
Layunin din ng okasyon na magbigay suporta sa pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps program.