(Update) ILOILO CITY – Tiniyak ng militar na hindi magagamit ng mga politiko ang New People’s Army (NPA) ngayong May 2019 midterm elections.

Ito ay matapos makakuha ng campaign materials na AAMBIS-OWA partylist kasunod nang pagkakubkob sa kuta ng mga rebelde sa Sitio Agilan, Barangay Panuran Lambunao, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Joel Benedict Batara, commanding officer ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army, sinabi nito na kanilang iimbestigahan ang kaugnayan ng mga rebelde sa AAMBIS-OWA partylist kung saan ito ay pinamumunuan ni Rep. Sharon Garin.

Matandaan na una nang kinumpirma ni Police Regional Office (PRO) director Brig. Gen. John Bulalacao ang kaugnayan ng mga Garin sa mga rebelde.

Nalagay din noon sa kontrobersiya si Iloilo 1st District Rep. Richard Garin matapos tinakot nito si Police Staff Staff Sergeant Federico Macaya Jr, dating imbestigador ng Guimbal Municipal Police Station na ipapapatay siya nito sa mga NPA matapos niyang duraan sa mukha at gulpihin sa plaza sa bayan ng Guimbal, Iloilo habang tinututukan naman ito ng armas ng kanyang ama na si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin.

-- Advertisement --