Iginiit ng Armed Forces of the Philippines AFP) na hindi sila nakikialam sa mga alitan sa pulitika sa gitna ng alegasyon ni Senadora Imee Marcos na gumagamit ng iligal na droga ang kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Acting AFP Spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang pahayag ng Senadora ay isang isyung politikal na dapat resolbahin sa tamang institusyon at hindi sa publiko.
Matatandaan, ginawa ng Senadora ang naturang akusasyon kasabay ng kaniyang talumpati sa anti-corruption protest ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand noong Lunes kung saan sinabi ng Presidential sister na adik umano sa iligal na droga ang Pangulo, bagay na tinawag naman ng Malacañang bilang isang desperadong hakbang para sa political ambition ng Senadora.
Samantala, nang tanungin naman tungkol sa alegasyon at sa panibagong panawagan ng ilang grupo na i-withdraw ng militar ang suporta sa Pangulo na nagsisilbing Commander-in-Chief, muling tiniyak ng AFP na hindi sila magpapagamit sa sinuman.
Nanindigan si Rear Adm. Trinidad na nananatiling propesyonal, disiplinado, at non-partisan ang Sandatahang Lakas at nakatuon sa Konstitusyon at sa seguridad ng bansa.
















