Handa umano ang AFP na magpatupad ng mga hakbang na kaugnay sa umiiral na enhanced community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Tugon ito ni AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pakikilusin nito ang militar sakaling patuloy pa rin ang mga Pilipino sa paglabag sa panuntunan ng quarantine.
Ayon kay Arevalo, handa ang AFP na magpatupad ng disiplina at kaayusan kung hindi tatalima ang publiko sa pakiusap ng gobyerno.
“When directed, we are ready to take on the task of enforcing discipline and order where there is a breakdown in both and the people will not heed government’s pleas to observe community quarantine, stay at home, and when authorized to leave home, to observe physical distancing,” saad ni Arevalo.
Ititigil umano ng hukbong sandatahan ang tahasang mga paglabag ng ilang mga indibidwal sa Bayanihan We Heal as One Act, dahil sa magiging implikasyon nito sa pagkalat pa ng COVID-19.
“If the disobedience will be unabated, the gains we had in the past days that slowed down the increase in infections over time will be put to waste,” ani Arevalo.
“You can count on your AFP to partner with the PNP (Philippine National Police) and other agencies of government in our bid to win this battle against SARS-CoV-2 virus,” dagdag nito.
Una nang sinabi ng PNP na susunod sila sa utos ng Pangulong Duterte kaugnay sa community quarantine.