Naka-half-staff ngayon ang Philippine flag sa Lalawigan ng Bohol bilang simbolo ng pagluluksa sa pagpanaw ni Acting Governor Dionisio Victor Balite sa edad na 52 anyos.
Gabi ng Miyerkules (Hulyo 17), nang kumpirmahin ng pamilya ni Balite ang pagpanaw ng opisyal sa isang pagamutan sa Tagbilaran City ngunit hindi naman binanggit kung ano ang sanhi ng pagkamatay nito.
Nagsimula si Balite sa kaniyang political career bilang first board member noong 2016 habang nanalo naman ito bilang bise gobernador noong 2022 elections.
Matatandaan na noong Mayo 28, 2024, naluklok ito bilang acting governor matapos isinailalim sa 6 na buwang suspensyon si Gov. Aris Aumentado dahil sa isyu ng pagtatayo ng resort sa paanan ng Chocolate Hills.
Kasunod ng pagpanaw ni Balite, papalit naman bilang acting governor ng Bohol si Provincial Board (PB) Member Tita Baja.
Sa oras na matapos naman ang anim na buwang suspensiyon ni Aumentado, si Baja ay magsisilbing bise gobernador para sa kabuuan ng unang termino ni Balite na magtatapos sa Hunyo 30 sa susunod na taon.