Hindi maitago ni Gilas men’s 3×3 team head coach Ronnie Magsanoc ang kanyang panghihinayang sa natamong injury ni Robert Bolick.

Bahagi kasi si Bolick ng line-up na posibleng isabak para sa 30th Southeast Asian Games na idaraos dito sa bansa.

Ayon kay Magsanoc, nawalan daw ang Pilipinas ng isang player na may potensyal na dalhin ang national squad tungo sa gold medal.

Gayunman, inihayag ni Magsanoc na move on na lamang daw sila sa nangyari at magpopokus na lamang sa kasalukuyang roster.

Dahil sa pagkawala ni Bolick, tanging sina CJ Perez, Terrence Romeo, Mac Belo, Jayson Perkins, Chris Newsome, at Mo Tautuaa na lamang ang pagpipilian para sa national 3×3 team.

Maaalalang napunit ang ACL ng NorthPort rookie sa kalagitnaan ng laban ng Batang Pier kontra sa San Miguel Beer sa PBA Governors Cup.