-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Drug Enforcement Agency na limitado lamang ang access ng mga alkalde ng bawat lungsod sa drug watch list ng kanilang kagawaran.

Ito ang binigyang-diin ni PDEA spokesperson Derrick Carreon sa isang pulong balitaan kasunod ng naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naturang pahayag kasi ay inakusahan ng dating pangulo si current President Ferdinand Marcos Jr. na kasama raw ang pangalan nito sa drug watch list ng PDEA noong siya ay nanunungkulan pang mayor ng Davao City.

Paliwanag ni Carreon, tanging sa mga lugar na nasasakupan lamang ng hurisdiksyon ng isang alkade ang magiging access nito sa listahan ng drug watch list ng kanilang ahensya.

Ibig sabihin, wala itong kakayahan na makita ang mga pangalan ng mga personalidad na nasa labas ng political jurisdiction nito.

Kung maaalala, una rito ay naglabas rin ng statement ang PDEA na naglilinaw naman na hinding-hindi kailanman naging bahagi ng kanilang illegal drugs watch list si Pangulong Marcos Jr. na malinaw na taliwas sa naging pahayag ng dating pangulong Duterte.