Nagbabala ang militar ng China nitong Linggo laban sa umano’y “provocations” ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), kasabay nang pagpa-patrolya sa rehiyon.
Ayon sa tagapagsalita ng Southern Theater Command ng Chinese military, dapat umanong agad na itigil ng Pilipinas ang mga hakbang nito na umano’y lalong nagpapalala sa tensyon.
‘Any attempt to stir up trouble or disrupt the situation will not succeed,’ babala ng China.
Magugunitang lumala ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa agawan ng teritoryo sa WPS, na madalas nagreresulta sa banggaan ng mga coast guard vessels at malalaking naval exercises.
Kaugnay nito wala pang tugon ang Philippine Maritime Council at Armed Forces of the Philippines (AFP) ukol sa naging pahayag ng China, gayundin ang embahada ng Pilipinas sa Beijing.
Samantala, inanunsyo naman ng U.S. Indo-Pacific Command na nagsagawa ng joint maritime drills ang Japan, Pilipinas, at Estados Unidos sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone mula noong Huwebes hanggang Sabado upang palakasin ang kooperasyon sa rehiyon at itaguyod ang “free and open Indo-Pacific.”
Giit ng Amerika, patuloy nilang pinangangalagaan ang karapatan sa malayang paglalayag at paggamit ng karagatan at himpapawid alinsunod sa international law.
Sa hiwalay na pahayag noong Biyernes, muling iginiit ni U.S. Secretary of State Marco Rubio ang suporta ng Amerika sa Pilipinas at tinuligsa ang “destabilising plans” ng China kaugnay ng isang pinagtatalunang isla sa rehiyon.