CEBU CITY – Patay ang beteranong abogado ng lungsod ng Cebu matapos ng tambangan ng mga armadong kalalakihan.
Lulan ng kaniyang kotse si Atty. Rex Jose Mario Fernandez at pagdating sa R. Duterte St. sa Barangay Guadalupe ay doon na isinagawa ng mga suspek ang pamamaril.
Sinabi ni Police Major Jonathan Dela Cerna, hepe ng Guadalupe Police Station na pinagplanuhan ng mga suspek ang pagpatay sa 62-anyos na abogado.
Nagtamo naman ng sugat sa kaniyang katawan ang hindi pa nakilalang driver ng abogado na agad namang dinala sa pagamutan.
Base sa kuha ng closed-circuit television sa lugar na isang lalaki na nakapulang jacket ang bumaril sa biktima at pagkatapos nito ay sumakay agad ito sa kasama nitong nakamotorsiklo.
Aabot naman sa anim na basyo ng kalibre .45 na baril ang nabawi ng mga otoridad sa lugar.
Noong Agosto 13, 2021 ay nagsagawa ang biktima ng “hunger strike” matapos na putulan ng management ng condominium na kaniyang tinitirhan ang suplay ng tubig kahit na mayroong injunction laban sa developer.
Naglagay ito ng tent sa harap ng condominium sa Barangay Subangdaku, Mandaue City at inilabas ang hinaing sa Contempo Property Holdings Inc. kung saan sinabi nito na ang ginawang ito ng developer ay nagtatanggal ng karapatan nitong mabuhay.
Paliwanag naman ng developer na kaya sila naniningil ng mga bayad ay para sa operasyon ng nasabing kumpanya.
Mula kasi noong 2018 ng manirahan ang abogado sa condominium ay tinanong nito ang management sa condominum corporation dues na nagkakahalaga ng P90.00 per squre meter o P3,240 kada buwan subalit hindi nagbigay ang management ng kanilang kadahilanan sa kanilang computation at mula noon ay hindi nagbayad pa si Fernandez.