-- Advertisements --

Pinabulaanan ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kumakalat na balita sa internet na natagpuan umanong walang malay ang dating Pangulo sa loob ng kanyang selda sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Nicholas Kaufman, base sa mensaheng ipinadala ni Vice President Sara Duterte, walang katotohanan ang lumabas na ulat.

Sinabi rin ng lead counsel na nakausap niya mismo ang dating Pangulo at nasa maayos itong kalagayan.

Dagdag pa ni Kaufman, matatag na naghihintay ang dating Pangulo sa magiging pasya ng ICC Appeals Chamber kaugnay ng kanyang hiling na interim release o pansamantalang paglaya.

Inaasahang ilalabas ng ICC Appeals Chamber ang desisyon sa apela ng dating Pangulo hinggil sa pagtanggi sa kanyang interim release sa araw ng Biyernes, Nobyembre 28.

Ayon sa ICC, ang ruling ay ihahayag sa open court alas-10:30 ng umaga, oras sa The Hague, at ibo-broadcast nang live sa kanilang official website, Facebook page, at YouTube channel.

Matatandaang nitong Setyembre 26, ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni dating Pang. Duterte para sa pansamantalang pagpapalaya sa kaniya.