-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng abogado ni negosyanteng Charlie “Atong” Ang ang inilabas na warrant of arrest ng Regional Trial Court sa Sta. Cruz, Laguna kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, ang desisyon ay “premature” at “legally questionable” dahil umano’y nakabatay lamang ito sa hindi kumpletong impormasyon mula sa DOJ.

Giit niya, nilabag ng korte ang karapatan ni Ang dahil hindi isinama ang counter affidavits at ebidensiyang pabor sa mga akusado.

“Clearly, the court merely acted on the incomplete information provided by the Department of Justice (DOJ) in its determination of probable cause, without the counter affidavits and exculpatory evidence of the respondents, including Mr. Ang,” wika ni Villareal.

Dagdag pa ni Villareal, tanging testimonya ni Julie “Dondon” Patidongan ang ginamit ng DOJ, na aniya’y tunay na mastermind ng krimen.

Tiniyak ng abogado na igagalang ni Ang ang proseso ng korte ngunit gagamitin nila ang lahat ng legal na remedyo upang kuwestiyunin ang arrest order.

Nanindigan din si Villareal na walang pisikal na ebidensiya laban kay Ang at na ang kaso ay itinayo sa pagmamadali at pagkiling ng DOJ.