-- Advertisements --

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga magulang, guro, pamahalaan at iba pang sektor ng lipunan na magtulungan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan.

Angg pahayag ng Pangulo ay kasunod ng naging insidente ng pamamaril sa Tacloban, South Cotabato at Zamboanga.

Ayon sa Pangulo, mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang sa mga pagbabago sa pag-uugali at emosyon ng kanilang mga anak, kabilang ang labis na kalungkutan o galit.

Binigyang-diin din niya na hindi lamang pagtuturo ang tungkulin ng mga paaralan, kundi maging ang pangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.

Hinimok ni Marcos ang pambansa at lokal na pamahalaan, mga guro at magulang na magkaisa upang matiyak na ligtas ang mga kabataan at maayos silang makapag-aral.

Sa pagbisita ng Pangulo ngayong araw sa Patul Elementary School sa Santiago, Isabela, binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng mga magulang sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga guro at magulang upang matiyak hindi lamang ang kalidad ng edukasyon kundi pati ang kalusugan at kaligtasan ng mga kabataan.

Kabilang sa mga programang binanggit niya ang feeding program para sa mga batang nangangailangan ng karagdagang nutrisyon at ang YAKAP Program, na nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan para sa mga mag-aaral, guro at magulang.