Naglatag ng libreng sakay ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila para matulungan ang mga commuter na apektado ng transport strike na nagsimula ngayong Lunes, Setyembre 28.
Kabilang sa mga lugar na may libreng sakay ang Malabon, Lungsod ng Maynila, at Quezon City.
Sa inilibas ng Department of Transportation, ang mga ruta na may libreng sakay ay ang Quiapo-Fairview, Quiapo-Welcome Rotonda, Nagtahan-Cubao, Cubao-Fairview, Galleria-Taytay at vice versa.
Bukod sa mga LGU, nakahanda rin ang NCRPO na magsagawa ng sariling “Libreng Sakay” operations para sa mga pasaherong posibleng ma-stranded.
Nagsimula ngayong araw ang tatlong araw na tigil-pasada ng MANIBELA, habang nakatakda namang magsagawa ng protesta ang PISTON mula Setyembre 29 hanggang 30.
Kasabay nito ang pagpapatupad ng bagong minimum fare na P14 para sa traditional jeepney at P17 para sa modern jeepney sa unang apat na kilometro.
Ikinakatuwiran ng mga transport group na hindi sapat ang fare increase upang matugunan ang epekto ng mataas na presyo ng mga produkto ng petrolyo.
















