Nasa isa o dalawa pang bagyo ang posibleng mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Disyembre o bago matapos ang taong 2025, ayon sa state weather bureau.
Base sa listahan ng ahensiya, ang susunod na magiging bagyo ay tatawaging Wilma at Yasmin.
Sa posibleng maging track ng mga bagyo base sa climatological data, ilan dito ay posibleng pumasok ng PAR subalit hindi magla-landfall at tutumbukin ang direksiyon patungong silangang parte ng bansa bago magtungo sa Japan.
Ang iba naman ay maaaring pumasok ng PAR subalit mag-recurve bago marating ang hilaga o hilagang-silangang mga lugar saka tutungo sa Japan.
Maaari ring daraan sa Northern o Central Luzon ang mga bagyong lalabas patungong Hong Kong habang maaari ding makaranas ng epekto ng bagyo ang Southern Luzon hanggang sa Northern Visayas ang mga bagyong tatahakin ang direksiyon patungong Vietnam.
Maaari ring maapektuhan ang Southern Visayas hanggang Northern Mindanao ng mga bagyong patungo sa Thailand.
















