-- Advertisements --

Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas matibay na suporta ng pamahalaan sa mga proyekto ng renewable energy at clean technology sa kanyang pagbisita sa NING*NING 6.55-Megawatt Peak Solar Rooftop Power Facility sa Pasinaya Homes, Naic, Cavite ang kauna-unahang grid-connected, utility-scale solar rooftop project sa isang socialized housing community sa buong mundo.

Nasa 1,986 kabahayan ang nakikinabang sa  rooftop solar panels na kolektibong lumilikha ng malinis na kuryente. 

Ayon sa Pangulo, bukod sa pagbibigay ng solar power, nagbibigay din ang proyekto ng kita para suportahan ang mga serbisyo ng komunidad tulad ng pagkukumpuni ng bubong, ilaw sa kalsada, waste management, shared solar facilities, at training programs.

Binigyang-diin ng Pangulo na nakatutulong ang proyekto hindi lamang sa komunidad kundi pati sa national grid, habang hindi nasasakripisyo ang lupaing sakahan o kabuhayan. 

Tinatayang makababawas ito ng higit 6,233 metric tons ng carbon emissions kada taon katumbas ng pagtanggal ng halos 1,000 sasakyan sa kalsada.

Nanawagan si Pangulong Marcos sa mas malawak na kooperasyon ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga komunidad upang mapalawak ang paggamit ng renewable energy sa harap ng banta ng climate change. 

Tiniyak din niyang paiigtingin ng administrasyon ang mga proseso upang mapabilis ang pagpapatupad ng makabagong proyekto sa malinis na enerhiya.