Lumakas pa bilang Tropical Storm ang Tropical Depression Opong nitong umaga ng Miyerkules, Setyembre 24.
Base sa update ng state weather bureau kaninang alas-5:00 ng umaga, ang sentro ng bagyo ay nasa 855 kilometers sa silangan ng Northeastern Mindanao.
Taglay nito ang maximum wind speed na 65 kilometers per hour at bugso ng hangin na hanggang 80 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa-kanluran-timog-kanlurang direksiyon sa bilis na 20 kilometers per hour.
Inaasahang kikilos ito pa-kanluran-hilagang kanlurang direksiyon habang papalapit sa Eastern Visayas patungong Southern Luzon area.
Inaasahan din na patuloy na lalakas pa si Opong habang nasa Philippine Sea at maaaring mabuo bilang isang Severe Tropical Storm bukas, Setyembre 25.
Hindi naman direktang makakaapekto ang bagyo sa lagay ng panahon sa bansa sa sunod na 24 oras pero posible ang mabibigat na pag-ulan bukas at sa mga susunod na araw.
Posible namang itaas ang Tropical Wind Signal No.1 sa northeastern Mindanao, Eastern Visayas at Bicol Region sa nasabing araw.
Sa hapon ng Biyernes, Setyembre 26, inaasahang tatama ang TS Opong sa Bicol Region at sa Southern Luzon mula hapon ng Biyernes hanggang umaga ang Sabado, Setyembre 27.
Inaasahang lalabas ito mula sa Philippine Area of Responsibility gabi ng Sabado o umaga ng Linggo, Setyembre 28.