Kinwestiyon ni Senate Minority Leader Tito Sotto sa plenaryo ng Senado ngayong Lunes, ang komposisyon ng mga miyembro ng Commission on Appointments (CA).
Ito ay matapos ianunsyo ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang sampung majority members ng CA.
Binubuo ito nina:
- Sen Alan Cayetano
- Sen Bato dela Rosa
- Sen JV Ejercito
- Sen Jinggoy Estrada
- Sen Bong Go
- Sen Rodante Marcoleta
- Sen Imee Marcos
- Sen Raffy Tulfo
- Sen Joel Villanueva
- Sen Mark Villar
Kuwestiyonable umano ito ayon kay Sotto, at tinanong niya kung bakit ang tinaguriang “majority” ay nakakuha ng 10 puwesto sa makapangyarihang komisyon.
Ipinaliwanag naman ni Villanueva na ang batayan ng hatian ay 80-20 na representasyon mula sa majority at minority.
Ibig sabihin, 80% ng 12 miyembro ay katumbas ng 9.6 na ni-round off bilang 10, habang ang 20% naman ay 2.4 na ni-round off bilang 2.
Ngunit kinuwestiyon ni Sotto ang batayan ng porsyento. Giit niya, malinaw ang naging desisyon ng Korte Suprema na kung may kontrobersiya sa komposisyon ng CA, dapat sundin ng Senado ang partylines at party representation.
Dagdag pa niya, walang “9.6, 9.5, 2.5 o 2.4.” Dapat aniya ay malinaw na batay sa partido:
Halimbawa, kung anim ang miyembro ng Nationalist People’s Coalition, tatlo sa kanila dapat ay nasa CA.
Kung lima naman ang mula sa Nacionalista Party, 2.5 dapat ang representasyon, na maaaring gawing dalawa o tatlo depende sa usapan ng mga partido.
Para sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP), tatlo ang miyembro nito sa majority bloc, kaya’t nararapat din silang magkaroon ng representasyon sa CA.
Gayunpaman, dinefer muna ang diskusyon ukol sa CA.