Nagbitiw na bilang political affairs officer VI si Nadia Montenegro sa opisina ni Senador Robinhood Padilla.
Sa opisyal na pahayag ng tanggapan ni Padilla, isinumite ni Montenegro ngayong araw ang kanyang written explanation at letter of resignation bilang tugon sa dalawang memorandum at incident report kaugnay ng ulat na may staff ng senador na umano’y nahuling gumagamit ng marijuana sa Senado.
Ang naturang letter of resignation ng dating aktres ay agad ding tinanggap ng opisina ng senador.
Sa written explanation ni Nadia, itinanggi nitong gumamit siya ng marijuana.
Sa incident report, lumabas na noong Hulyo at Agosto 12, 2025, may naamoy na kahalintulad ng marijuana sa comfort room.
Inamin niyang gumamit siya ng PWD comfort room at hindi ladies’ comfort room na tinukoy, at dala lamang niya noon ay vape na grape-flavored.
Binatikos ni Montenegro ang pagkalat ng incident report sa media na nagdulot ng kahihiyan, masamang opinyon ng publiko, at pangungutya sa kanyang pamilya.
Gayunpaman, nilinaw nito na nagbitiw siya sa pwesto para mapangalagaan ang kanyang mental health at pagpapakita ng respeto sa Senado at kay Padilla para hindi na aniya lumaki ang isyu.
Nagpasalamat naman si Nadia sa senador, sa mga sumuporta at nagbigay sa kanya ng pagkakataong maipaliwanag ang kanyang panig.