-- Advertisements --

Lumantad na ang isa sa mga akusado sa pagkawala ng 34 mga sabungero na si alyas ‘Totoy’ na siyang nagturo at nagsiwalat ng ilang mga impormasyon tungkol sa kaso dahilan para muling magkasa ng imbestigasyson ng mga otoridad.

Si alyas ‘Totoy’ ay kinilala bilang si Julie “Dondon” Patidongan at siyang isa sa mga itinuturing na state witness sa kaso ng mga nawawalng sabungero.

Matatandaan na si Totoy ang nagsiwalat na dawit ang higit sa 20 aktibong pulis sa pagkawala ng mga biktima na siyang dahilan naman para magkasa ng moto proprio investigation ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pangunguna ni NAPOLCOM Commisioner Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan.

Sa naging paglutang ni Totoy, inaasahan ngayon ng Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS) na makakausad at makakapagturo pa itong ng iba pang mga linkages sa kaso na wala sa mga nakaraang imbestigasyon.

Itinuturing ring mahalaga ang mga bagong impormasyon na ito para matukoy ang iba pang mga sangkot at ng magkaroon rin ng sustansya ang ongoing na case build up sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Internal Affairs Service Inspector General Atty. Brigido Dulay, inaasahan ng kanilang tanggapan na sa paglantad ni Totoy, magiging madali ang pagusad ng case build up ng kanilang tanggapan at magkakaroon pa ito ng sapat na mga impormasyon.

Kaya naman nananawagan si Dulay sa akusado na magbigay na ng kaniyang pormal na sinumpaang salaysay upang pormal na rin itong magamit sa imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, umuusad na ang mga imbestigasyong ikinakasa ng IAS at maging ng NAPOLCOM laban sa mga umano’y sangkot na ilang pulis sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa ngayon ay naghihintay pa rin ang IAS sa mga magiging salaysay ng akusado at tiniyak na patuloy din silang susunod sa kung ano ang magiging hakbang at direksyon na tatahakin ng NAPOLCOM sa imbestigasyon upang matiyak na magiging patas at magiging maayos ang paggulong ng imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Samantala, nauna naman na dito matatandaan na noong taong 2021 hanggang 2023, pitong pulis na ang naibulgar na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero at naalis na rin sa kani-kanilang mga serbisyo.