-- Advertisements --

Naniniwala ang National Police Commission (NAPOLCOM) na hindi isang halimbawa ng isolated cases ang mga naging sunod-sunod na pagkakasangkot ng ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa ilang mga maling gawain.

Ito ang paninindigan ni NAPOLCOM Commissioner and Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan matapos na sabihin na ang mga naging insidente ay pawang mga isolated cases lamang.

Aniya, nakakalungkot at nakakagalit ang mga naitatalang insidente na sangkot ang kapulisan lalo na kung ito ay patungkol sa mga maling gawain. Isa rin aniyang malaking kasinungalingan ang nga nagsasabi na ang mga naging paglabag ng ilang kapulisan ay labeled bilang isolated na mga kaso lamang.

Dahil dito nakikita ng ahensya na mayroong dapat baguhin sa proseso at set up ng PNP para maiwasan ang mga ganitong isyu na kinasasangkutan ng mga dapat tagaprotekta ng kapayapaan at mamamayang pilipino.

Target naman ngayon ng NAPOLCOM na gawing mas mabilis ang mga proseso ng mga kaso at linisin ang lahat ng backlogs ng mga sumbong na kinasasangkutan ng mga pulis. Hindi na aniya pwede na mabagal ang mga pagresolba ng mga kaso lalo na kung ito ay mga pangaabuso at sangkot ang mga tauhan ng PNP.

Dapat din aniyang maintindihan ng taong bayan na kapag mayroong mga sumbong na kinasasangkutan ng mga pulis ay maaari silang lumapit sa tanggapan ng NAPOLCOM para agaran na maresolba ang kanilang nga hinaing at kung malaman mang guilty ang mga sangkot ay agad na ididismiss sa serbisyo ang mga ito.

Dapat din aniyang tignan muli ang recruitment process ng PNP para malaman kung ano at saan ang pinanggagalingan ng mga maling gawain ng ilan sa mga kapulisan dahil naniniwala pa rin si Calinisan na ito ay hindi nagiging repleksyon ng buong hanay ng kapulisan ngunit isang porsyento lamang na dapat agad malinis.

Samantala, binigyang diin rin ni Calinisan na ang internal cleansing na matagal nang balak ng PNP ay dapat aniyang pinangtutulungan ng hindi lamang isang ahensya ngunit dapat ring bigyang pansin ng ilan pang attached agencies.

Ito ay para mapabilis ang pagsasaayos ng pagganap sa tungkulin ng kapulisan at tuliyan nang matuldukan ang pagakakasangkot ng mga ito sa mga iligal na gawain.