-- Advertisements --

Aabot sa halos 100 katao sa Kamara ang nagpositibo sa COVID-19 kasunod ng isinagawang mass testing ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, sa halos 2,000 kongresista at mga empleyado na nakibahagi o sumabak sa mass testing sa Kamara magmula noong Nobyembre 10, aabot sa 98 ang nagpositibo sa COVID-19.

Halos lahat ng mga nagpositibo sa naturang sakit ay asymptomatic, ayon kay Mendoza.

Kaagad na inatasan ang mga nagpositibo na mag self-isolate upang hindi na makahawa pa.

Nagkaroon din aniya ng agarang contact tracing sa mga naka-close contact ng mga ito.

Sinabi ni Mendoza na ang pagtaas sa COVID-19 cases sa Kamara ay kanila nang inasahan sapagkat lahat ng mga empleyado sa mababang kapulungan ay isinailalim dito at hindi lamang iyong mga nagpapakita ng sintomas.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang Kamara sa Quezon City government para sa pagsasagawa ng mas pinaigting pang contact tracing.

Nabatid na bago pa man sumapit ang Nobyembre 10, aabot na sa mahigit 80 ang COVID-19 cases sa Kamara magmula noong Marso.

Karamihan sa mga ito ay naka-recover na sa sakit, maliban na lamang ang dalawang kongresista at tatlong empleyado na tulutang binawian ng buhay.

Gayunman, mahigpit na health protocols ang ipinapatupad sa Batasan complex sa gitna ng pandemya.

Ayon sa Secretary General, ang mga kongresista at empleyado ng Kamara ay obligadong sumailalim sa regular testing, lalo na kung papasok ang mga ito sa loob ng plenaryo ng Kamara.