-- Advertisements --

Nasa 91-porsyento na ng mga local government unit sa bansa ang nakaabot sa deadline ng pamamahagi ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) katumbas ng naturang porsyento ang 1,265 mula sa 1,634 LGUs sa buong bansa.

Sa ngayon hinihintay pa raw ng ahensya ang report ng natitirang 9-percent na mga lokalidad na hindi pa tapos sa distribusyon.

Batay sa data ng Interior department, top fiver performing regions ang: Caraga na may 100-percent payout rate; sinundan nh Bicol (99.6-percent); Soccskargen (98.92-percent); Cordillera (96.8-percent) at Zamboanga Peninsula na may 96.47-percent payout rate.

Sa Metro Manila, ang Caloocan City raw ang may pinakamataas na payout rate sa 99-percent.

“The show cause order that will be issued to the LGU is not only their accountability to the DILG but most importantly to their constituents. Kailangan nilang ipaliwanag kung ano-ano ang mga problema’t balakid kung bakit ‘di sila umabot sa deadline,” ani DILG Sec. Eduardo Año.

Nilinaw naman ng ahensya na wala nang magiging extension ang deadline, pero kailangan pa rin tapusin ng LGU officials ang pamamagi ng naturang ayuda.

Agad lang daw ilalabas ng DILG ang second tranche ng SAP kapag natanggap na ng Department of Social Welfare and Development ang liquidation ng mga LGU.