-- Advertisements --

dilg SEC EDUARDO ANO Año

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nagpositibo sa COVID-19 Rapid Test ang isa sa siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu na ngayon ay naka-isolate na.

Ayon kay Año, dapat noong Biyernes sana dadalhin sa Metro Manila ang siyam na pulis mula Zamboanga City pero dahil nagpositibo sa COVID-19 rapid test ang isa kaya naantala ang biyahe ng mga ito.

Sa ngayon, sumailalim muna sa health and safety protocols ang iba pang pulis na posibleng mahawaan din dahil magkakasama ang mga ito.

Iiskedyul pa ang isang military flight na posible ngayong weekend para ibiyahe ang siyam na Jolo police.

Sinabi ni Año, unang napagdesisyunan kasi na matapos kausapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang siyam na pulis na ikukulong muna sa Camp Crame para maiwasan ang tensiyon at agad maging available kung kakailanganin sila ng NBI.

Kwento ni Sec. Ano, naging emosyonal si Duterte nang kausapin ang mga suspek na pulis dahil kitang-kita na masakit sa loob ng Pangulo ang nangyari.

Siniguro ni Año, kakasuhan ang siyam na pulis pero dadaaan ang mga ito sa due process.

“They will be detained inside Camp Crame at habang inaayos yung investigations, siyempre naman kakasuhan talaga yung mga yan at hanggang sa paglilitis,” wika pa ni Sec. Ano.

Lumabas na rin ang forensic result at paraffin test ng mga ito at may nakausap na ring mga testigo ang NBI kaya hinihintay na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon.

Giit ng kalihim maraming nalabag sa rules of engagement ang siyam na pulis.

Sa ngayon ayon sa kalihim wala pa sa Camp Crame ang siyam na pulis.

“I-separate flight na lang sila over this weekend ay palagay ko naman ay madadala na sila sa Crame,” giit pa ni Ano.