-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek sa pagpatay sa siyam na buwang sanggol na sariling pamangkin nito sa Lungsod ng Koronadal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Kagawad Danilo Delos Santos ng Barangay GPS, Koronadal City, ang suspek din ang nagbabantay dahil nasa ibang bansa ang ina ng baby girl.

Nangyari ang insidente sa bahay ng biktima sa Purok Tagumpay, Barangay General Paulino Santos, Lungsod ng Koronadal.

Ayon kay Delos Santos, makailang beses na sinaksak ng suspek ang sariling pamangkin gamit ang kitchen knife sa hindi pa malamang dahilan.

Pinaniniwalaang wala sa katinuan ang suspek nang ginawa ang krimen.

Nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito ang sanggol na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Dagdag pa ng opisyal, posibleng nawala sa tamang pag-iisip ang suspek dahil sa depresyon buhat ng mga pinagdadaanan nitong pagsubok sa buhay.

Mabait naman umano ang suspek at mahal na mahal nito ang kanyang inaalagaang pamangkin mula pa nang bumalik sa ibang bansa ang kapatid.

Ngunit kahapon ay bigla na lamang itong nagwala, sinabunutan ang sarili at nagsisisigaw.

Sa ngayon, hindi pa batid ng pamilya ng biktima kung paano ipapaabot ang masamang balita sa ina nito na nasa ibang bansa.

Isasailalim naman sa tinatawag na psychological intervention ang suspek sa layuning maibalik sa tamang pag-iisip.