Nanawagan si Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan na tuluyang alisin ang travel tax para sa mga Pilipino at mamamayan ng mga bansang ASEAN na bumibiyahe sa loob ng rehiyon.
Sa ilalim ng House Bill 4793, iminungkahi ni Yamsuan ang pag-alis ng travel tax na kasalukuyang umaabot sa ₱1,620 sa economy class, na aniya’y dagdag-pasanin sa mga biyahero at hadlang sa paglago ng turismo.
Kung maisasabatas ang HB 4793, aalisin ang travel tax para sa mga biyaheng patungo sa 11 bansa sa ASEAN, kabilang ang Pilipinas, Singapore, Thailand, Vietnam at iba pa.
Bagama’t tinatayang aabot sa ₱5 bilyon kada taon ang mawawalang kita, sinabi ni Yamsuan na mababawi ito ng mas malaking benepisyo sa ekonomiya, na tinatayang aabot sa ₱300 bilyon.
Dagdag pa ng Kongresista, alinsunod ito sa ASEAN Tourism Agreement at inaasahang magdudulot ng mas malaking benepisyo sa ekonomiya kaysa sa mawawalang kita ng gobyerno.










