-- Advertisements --

Walang naitalang mga kaso ng carnapping ang Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa kabuuan ng Christmas rush.

Ang carnapping at motornapping ang dalawa sa mga pangunahing binabantayan ng naturang police unit, lalo na sa panahon ng holiday, dahil sa posibleng pananamantala ng mga carnapper sa sitwasyon sa mga lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PNP-HPG Spokesperson PLt. Dame Malang na naging matagumpay ang pagbabantay ng pulisya sa mga lansangan sa kabuuan ng Pasko, maliban lamang sa mga nangyaring aksidente.

Ilan sa mga madugong road crash at vehicular accident, batay sa report ng mga provincial at regional office ng naturang unit, ay ang nangyari sa Bicol Region kung saan ilang katao ang nasawi; at ang iba ay nangyari dito sa Metro Manila.

Naniniwala ang HPG na ang sapat na deployment ng mga pulis sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay nakatulong ng malaki upang mapigilang mangyari ang mga carnapping at motornapping incident.

Ayon pa kay Lt. Malang, posibleng natakot ang mga carnapper na magsagawa ng anumang operasyon kapag nakikita nilang nakadeploy ang mga pulis sa halos lahat ng bahagi ng bansa, lalo na sa mga pangunahing lansangan.

Magpapatuloy ang deployment ng HPG hanggang sa matapos ang holiday rush sa unang lingo ng Enero 2026.