Naghain ng House Resolution ang ilang kongresista sa minority na nag-uutos sa House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Public Works na magsagawa ng joint investigation in aid of legislation kaugnay ng umano’y nakakabahalang mga pangyayari sa pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Catalina Cabral.
Ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice, hindi umano ito isang pangkaraniwang kaso ng pagkamatay.
Binigyang-diin niya na si Cabral ay naunang naiugnay sa mga anomalya sa flood control projects, kabilang ang manipuladong budget allocations, mga pondong dapat sana’y ginagamit upang protektahan ang mamamayan ngunit nauwi umano sa ghost projects, substandard na imprastraktura, at malalaking anomalya.
Dagdag pa ni Erice, kung hindi umano ito masisiyasat nang masinsinan at independiyente, magpapadala ito ng mapanganib na mensahe sa publiko. Binanggit din na hindi pa rin umano na-freeze ang mga ari-arian ni Cabral, na lalo pang nagdulot ng mga katanungan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Rep. Leila de Lima na ang imbestigasyon ay hindi direktang nakatuon sa kriminal na pananagutan ni Usec. Cabral. Ayon sa kanya, hindi layunin ng imbestigasyon na tukuyin ang personal na kasalanan ng dating opisyal.
Ani De Lima, maraming teorya ang lumulutang hinggil sa tunay na nangyari kay Cabral—may nagsasabing ito ay pagpapatiwakal, may nagsasabing isinadula ang pagkamatay, may nagsasabing aksidente, at mayroon ding naniniwala na ito ay may kinalaman sa foul play.
Gayunman, umalma si De Lima sa naging pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagsasabing wala umanong foul play sa insidente, at iginiit na kinakailangan pa rin ng masusing pagsusuri upang malinawan ang publiko.










