Nanawagan si suspended Cavite 4th district Representative Kiko Barzaga ng imbestigasayon sa pagkamatay ni Dueñas, Iloilo Vice Mayor Aimee Paz Lamasan para matukoy kung ang kaniyang pagkamatay ay bunsod ng kaniyang nalalaman sa mga anomaliya sa flood control projects sa probinisya ng Iloilo.
Sa inupload na video ni Barzaga online, sinabi niyang “suspicios” umano ang timing at nature ng pagkamatay ng Bise Alkalde.
Inihayag ng suspendidong mambabatas na maraming katanungan ang lumutang mula sa naturang insidente. Aniya, “ang probinsiya ng Iloilo ay tahanan sa maraming kilalang personalidad sa flood control corruption scandal gaya umano nina House Senior Deputy Majority Leader at Iloilo Third District Rep. Lorenz Defensor at House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Representative Janette Garin kasama ang kaniyang anak na si Board Member Rica Jane Garin.”
Ayon kay Barzaga, iniimbestigahan umano sila sa kanilang pagkakasangkot sa malawakang korapsiyon sa ating bansa.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng mga nabanggit na mambabatas at local official sa mga alegasyon ni Barzaga.
Matatandaan, pumanaw ang Bise Alkalde noong Bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31, matapos aksidente umanong mabaril ang sarili sa loob ng kanilang bahay sa isang subdivision sa La Paz, Iloilo City.
Sa ngayon, nananatiling suspendido si Barzaga matapos siyang suspendihin ng House Ethics Committee sa loob ng 60 araw noong Disyembre 1, 2025 dahil sa umano’y ‘unethical‘ behavior matapos ang sunud-sunod na atake sa gobyerno at pagpo-post ng malalaswang larawan ng mga babaeng nakabikini sa Facebook.
















