KALIBO, Aklan — Walo na namang turista ang inaresto ng mga awtoridad matapos gumamit ng pekeng RT PCR test upang makapagbakasyon sana sa isla ng Boracay.
Ayon sa pamunuan ng Provincial Inter-Agency Task Force, dumating ang walong mga turista sa magkahiwalay na araw at lugar sa isla.
Noong Pebrero 12 ay hinuli ang apat sa isang hotel at kinabuksan, Pebrero 13 naaresto naman ang apat na iba pa sa isa pang hotel.
Sinasabing pawang galing sa Metro Manila ang mga nahuling turista.
Nasa kani-kanilang hotel na ang mga ito nang malamang peke ang kanilang bitbit na swab test matapos na kumpirmahin ng Saint Luke’s Hospital sa Metro Manila na hindi sila nakapagpalabas ng RT-PCR test result para sa naturang mga turista.
Kasalukuyang naka quarantine ang mga turista sa Aklan Training Center sa Kalibo at isasagawa rito ang RT PCR test.
Nakatakda namang kasuhan ng mga awtoridad ang mga suspek.
Nabatid na anim na turistang galing Maynila ang kinasuhan ng Department of Tourism (DOT) ng falsification of public documents matapos mahuling nagpresinta ng pekeng RT PCR test sa Caticlan Jetty Port noong buwan ng Enero.
Tatlo sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19.