Maagang dumating sa Sandiganbayan para sa kanilang arraignment ang walong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-MIMAROPA na kabilang sa mga unang sinampahan ng kaso kaugnay ng nabunyag na flood control scandal.
Kinabibilangan ang grupo nina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben Santos, Dominic Serrano, Juliet Calvo, Dennis Abagon, Montrexis Tamayo, at Lerma Cayco.
Kasalukuyan silang naka-detine sa New Quezon City Jail sa Payatas, ang itinakdang detention facility para sa mga suspek sa flood control corruption.
Nahaharap ang mga ito sa kasong malversation kaugnay ng maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Batay sa record ng DPWH, ang naturang proyekto ay pinondohan ng P289 milyon, kung saan ilang bahagi ang iniulat na 100% completed ngunit walang natunton, habang ang iba naman ay lumabas na substandard.
Natuklasan din ng mga government investigators na ilan sa mga dokumentong ginamit sa proyekto ay pawang palsipikado.
Kasama ang mga akusado sa grupong inisyuhan ng warrant of arrest na kinabibilangan ni dating House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co at iba pang opisyal ng Sunwest Corporation, ang contractor ng proyekto na noo’y umano’y nasa ilalim pa rin ng kanyang pagmamay-ari.
















