BUTUAN CITY – Hinihintay na lamang ng pulisya sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur ang susunod na hakbang ng pamilya Toquera sa Brgy. Sta. Fe sa bayan ng Esperanza, Agusan del Sur dahil sa malagim na pangyayari kasabay ng kanilang pagdiriwang ng All Saint’s Day kahapon.
Nalunod kasi ang magpinsang walong taong gulang habang sila’y naliligo ng dagat sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur.
Kinilala ni Police Staff Sergeant Marlo Layno ng Lianga Municipal Police Station ang mga biktimang sina Yeshin Toquera at Cherry Mae Toquera.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng police officer na napansin lang ng ga kaanak ng biktima na hindi sila nakapananghalian kung kaya’t kanila itong pinaghahanap.
Dakong alas-2:30 kahapon ng hapon nang unang matagpuang nakalutang na dagat na sakop ng Lawis Beach Resort sa Sitio Lawis, Brgy. Banahaw ng nasabing bayan si Yeshin na patay na at sunod na natagpuan si Cherry May pagkalipas naman ng isang oras.
Posible umanong nagkatuwaan na ang mga magkakamag-anak kung kaya’t huli na nang mapansing wala na sa kanilang grupo ang magpinsan.