Mahigpit na tinututukan ng PNP ang nasa 700 aktibo at dating mga pulis na umano’y dawit sa illegal drug trade at sa iba pang mga ipinagbabawal na gawain.

Ayon kay PNP spokesperson BGen. Bernard Banac, nasa radar din daw nila ang mga na-dismiss na pulis, maging ang mga nasa absent without official leave (AWOL) status.

Ibinulgar pa ni Banac na ang may pinakamataas na ranggo sa kanilang mga mino-monitor ay isang retiradong police colonel.

Sinabi pa ng opisyal na minamanmanan din nila ang mga pulis na nakakulong sa New Bilibid Prison, kung saan din umano ipinagpapatuloy ng mga drug lords ang kanilang mga iligal na aktibidad.

Nasa 22 rin aniya ang mga aktibong pulis ang umano’y nagre-recycle at nagbebenta ng mga nasabat na mga iligal na droga, na tinaguriang mga “ninja cops.”