NAGA CITY- Nagpapatuloy ngayon ang search and retrieval operation ng mga otoridad sa nawawalang bata na tinangay ng tubig baha sa Cambalidio River, Brgy. Cambalidio, Libmanan, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rowel Tormes, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Libmanan, sinabi nitong base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nangunguha ng bunga ng niyog na inaanod sa ilog ang 7-anyos na batang lalaki kasama ang kapatid nito sa gitna ng sama ng panahon kahapon.

Ngunit aksidente umanong nahulog ang dalawa sa ilog ngunit agad ding nakalangoy pabalik sa gilid ang nakatatandang kapatid ng biktima habang tuluyan ng inanod ang 7-anyos.

Sa ngayon, tumulong na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahanap sa biktima habang pinangangambahan namang umabot pa ang bangkay nito sa karagatang sakop ng Pasacao.