-- Advertisements --

Aabot sa 63 katao ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Odette sa probinsya ng Bohol, ayon kay Governor Arthur Yap.

Sa isang Facebook post sinabi ni Yap na ang partial figures na ito ay nalikom hanggang kaninang alas-12:00 ng tanghali.

Ang bilang na ito ay mula sa 33 local government units na nakapag-report na mula sa kabuuang 48 LGUs sa probinsya.

Problema rin kasi sa ngayon ay bagsak pa rin ang linya ng komunikasyon sa ilang bahagi ng Bohol.

Sa hiwalay na post, sinabi ng gobernador na nangangailangan sila sa ngayon ng donasyon ng nasa 300 generator sets para gumana ang mga water refilling stations sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad.

“Last night, I received reports that our Bohol in-island Ubay SPC Power Barge and Dampas SIPC land-based diesels are still being repaired from damages. Officials from these power providers hope to activate them as soon as NGCP and BLCI, Boheco 1 and 2 are ready to accept power,” ani Yap.

“We cannot survive the next 2-3 weeks by just waiting for transmission lines to be repaired. This being the case, I am asking for your help to urgently source 15 horsepower single-phase generators so we can distribute this to Bohol’s 48 LGUs, for the use of their local water refilling stations,” dagdag pa niya.

Nangako na aniya sa kanya ang Philippine Air Force, Philippine Navy, Philippine Airlines, Cebu Pacific, at Air Asia na tumulong sa logistics para madala ang mga generators at ilang kahon ng tubig sa Bohol.

Nauna nang nangako ang pamahalaan na maglalabas ng P2 billion para gamiting tulong sa mga apektado ng Bagyong Odette.