-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ipinagmamalaki ng isang 62-anyos na lola mula sa Brgy. Fili, Bayugan City, Agusan del Sur ang kanyang tagumpay dahil sa kabila ng kanyang edad AY nakapagtapos pa rin siya ng senior high school sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Fili National High School.

Ayon kay Juanita Gida, hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan. Nabiyuda siya sa edad na 29-anyos, at sa loob ng 33 taon ng pagiging balo, ay mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagtrabaho sa bukid, pag-iigib ng tubig, at pagtanggap ng gawaing bahay kapag may nagpapatrabaho sa kanya.

Kwento pa nito, noong ikinasal na ang kanyang mga anak ay doon lamang niya napagtu-unan ng pansin sa pag-aaral dahil wala na siyang inaalagaang bata.

Ipinagmamalaki rin niya na nakatapos na siya ng ilang mga programa sa ilalim ng ALS tulad ng Business, Reflexology, Commercial Cooking, at ngayo’y ang Technical-Vocational and Livelihood (TVL) Track sa Agri-Fishery Arts.