CENTRAL MINDANAO- Nagtala ng anim na panibagong kaso ng Coronavirus Disease (Covid-19) ang probinsya ng Cotabato.
Ito ay batay sa pinakahuling tala ng Integrated Provincial Health Offive ( IPHO) Cotabato at DOH-CHD SOCCSKSARGEN Region.
Ayon kay PIATF ICP Head BM Philbert Malaluan na ang lima ay pawang mga Locally Stranded Individuals ( LSIs) mula Luzon at sumailalim sa swab test pagbaba ng mga ito sa Davao International Airport.
Ang ika-76 pasyente ay 28 anyos na lalaki mula sa Kidapawan City; Si patient 77 ay 30 taong gulang na lalaki na taga bayan ng Magpet, ang ika-78 ay 33 anyos na lalaki mula bayan ng Alamada; Si 79th patient ay 27 anyos na lalaki mula Kidapawan City habang si patient 80 ay 29 anyos mula sa bayan ng Antipas.
Tiniyak ni BM Malaluan na ang lima ay pawang asymptomatic, nasa stable condition at isolated.
Si patient 81 naman ay isang 16 anyos na babae mula sa bayan ng Carmen na mayroong travel history mula sa Cagayan de Oro City.
Dumating ito sa lalawigan noong September 5 ngunit noong September 8 ay nakaranas ito ng panginginig, pananakit ng ulo at lagnat kaya dinala ito sa isang pampublikong pagamutan.
Sumailalim ito sa swab test noong September 9 at kasalukuyang naka confined, isolated at nasa mahigpit na monitoring.
Sa ngayon ay umakyat na sa 81 katao ang nagpositibo sa Covid,25 active cases at 54 recoveries sa probinsya ng Cotabato.