-- Advertisements --

Binigyang pugay ng Department of Migrant Workers (DMW) ang serbisyo at hindi matatawarang legasiya sa pangangalaga na iniwan ng nasawing Pinay caregiver na si Leah Mosquera, biktima ng missile attack ng Iran sa Rehovot City sa Israel noong Hunyo 15.

Sa inilabas na official statement ng ahensiya, tinawag nito ang Pinay caregiver bilang isang bayani na mananatili sa kanilang puso habambuhay.

Inihayag din ng ahensiya na lubos silang nagluluksa sa pagpanaw ng Pinay caregiver na mahigit 2 dekada na ring nagtratrabaho sa Israel at nagpaabot ng taus-pusong pakikiramay sa pamilya Mosquera.

Itinuturing ng ahensiya ang dedikasyon ng overseas Filipino worker at kaniyang tahimik na kabayanihan na kumakatawan sa katatagan at sakripisyo ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na binabalikat ang pag-asa at pangarap ng kanilang mga pamilya, kanilang komunidad at ng ating bansa.

Kaugnay nito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakikipag-ugnayan na rin ang OWWA sa Embahada ng Pilipinas sa Tel-Aviv at DFA para sa pagsagot sa mga gastusin ng repatriation o pag-uwi ng labi ng Pinay at pagpapalibing dito sa Pilipinas.

Gayundin ang ibibigay na pinansiyal na tulong para sa kaniyang pamilya at pagbiyahe sa Pilipinas ng kaniyang kapatid at kasamahang caregiver sa Israel na si Mae Joy.