-- Advertisements --

Ibinunyag ni Atty. Raymond Fortun na mas maraming senador pa ang posibleng mapapangalanan sa mga susunod na araw, na umano’y sangkot sa iskandalong bumabalot sa mga flood control project sa Bulcacan.

Ayon kay Fortun, na nagsisilbing legal counsel ni dating Bulacan 1st District Engineering asst. chief Brice Hernandez, nasuri na niya ang ilan sa mga sensitibong dokumento na hawak ng kaniyang kliyente na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa malawak na network ng korupsyon sa mga flood control project sa naturang probinsya.

Kabilang dito ang pangalan ng anim na senador kung saan apat sa kanila ang kasalukuyang nasa posisyon (incumbent) habang ang dalawa ay wala na sa serbisyo.

Una nang nakaladkad ang pangalan nina Sen. Jingoy Estrada at Sen. Joel Villanueva sa mga naunang hearing ng Senado ukol sa flood control scandal. Pero sa testimoniya naman ni dating District Engineer Henry Alcantara, nabanggit din ang pangalan ni dating Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla.

Sa panig naman ng mga kongresista, maliban kina Rep. Zaldy Co at iba pang una nang napangalanan, may ilan pa aniyang hindi nalalantad ngunit pawang nakalakip sa mga dokumentong hawak ni Hernandez.

Ang mga naturang dokumento, ayon kay Atty. Fortun, ay pawang ipapasakamay sa Independent Commission on Infrastructure at sa Senado, upang maging ebidensiya sa malalimang imbestigasyon at tuluyang paghahain ng kaso.

Giit ng abogado, ang mga ito ay pawang sa isang distrito lamang ng Bulacan na saklaw ng opisina ni Hernandez at hindi pa kasama ang mga flood control project sa buong bansa na maaaring pinapakinabangan din ng iba pang mga mambabatas.

Batay umano sa mga dokumentong hawak ni Hernandez, ang mga naturang mambabatas ay pawang nakinabang sa kickback system na nangyayari sa naturang distrito.