-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nasa magandang kondisyon na ang anim na mangingisda na nailigtas matapos ang dalawang oras na palutang-lutang sa dagat.

Ayon kay Lt. Junior Grade Dave Michael Acorda, commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-GenSan, agad na dinala sa Barangay Calumpang isolation facility ang mga ito.

Ito ay sina Jerry Talledo, 44-anyos na taga-Glan, Sarangani; Arsenio Tolibio, 38, taga-Polomolok, South Cotabato; Arnel Umpang, Japeth Bastida at Reynaldo Tamael, mga residente ng Barangay Calumpang GenSan; at si Mama Gandal na taga-Buluan, Maguindanao.

Pagkatapos ma-quarantine ng mga ito ay puwede na sila makauwi sa kani-kanilang bahay.

Una rito, nadaanan sila ng barkong MV West Ocean 12 sa Lanhil Island sa Basilan Province at inihatid ang mga ito sa GenSan bago dumaong sa pantalan ng Damalerio Fishing.

Dagdag pa ng PCG commander, lulan ang mga mangingisda ng fishing boat Khalifa na lumubog dahil sa malakas na alon sa dagat.

Pauwi na sana ng Surigao ang MV West Ocean 12 nang kanilang makita ang naturang mga mangingisda.