-- Advertisements --
sunog

Narekober na ang 6 na bangkay sa nasunog na bahay sa residential area sa Villa Corina Subdivision, Barangay Pasong Tamo sa Tandang Sora, Quezon City.

Ang mga nasawi sa sunog na nangyari ay sina Estelito Buenaflor, 79; Janelle Anne Mereria, 30; Alan Domingo, Obie George Domingo, 12; Jefferson Domingo, 7; at Wesley Domingo, 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay John Peter Samoy, kamag-anak ng lima sa anim na nasunog na bangkay, nalaman niya lang daw umano na nasusunog na ang bahay ng kanyang mga kamag-anak ay doon pa mismo sa pamangkin niya na nasa Guam.

Dagdag pa ni John Peter, bandang alas-2:30 ng madaling araw, kung saan ay nandoon na siya sa lokasyon ng sunog, hindi raw agad ito pinapasok ng mga otoridad, sapagkat kinakailangan pa raw na maapula ang apoy.

“Bago mangyari kasi na malaman ko iyong balita, nandoon ako sa kabilang house. Tapos ang nagsabi pa sa akin ng news na iyon, iyong pamangkin ko na nasa Guam. Dahil iyong friend niya is nakatira lang dito malapit. Tapos sinabi niya doon sa pamangkin ko may sunog daw, nasusunog daw iyong bahay niya. Tapos tumawag naman siya sa mother niya na kasama ko sa bahay, tapos sabi puntahan ko raw, tignan ko raw, i-check ko raw kung nasusunog nga. Pagpunta ko rito, naabutan ko na, may mga pulis, may mga bumbero na, hindi pa ako nakakapasok because hindi nila ako pinapasok sa mga gates, kasi nga daw hindi alam kung gaano kalaki daw iyong apoy. Ioyng sinabi na parang okay na, pinapasok kami, hanggang unti-unti na pinapasok na ako rito sa house nung mga uma-umaga na.” ani John Peter.

Ayon sa mga otoridad, wala naman daw umanong nadamay na kapit-bahay sa naturang sunog.

Ang sunog umano, ayon kay John Peter ay nasa loob mismo ng bahay at hindi ito kumalat palabas.

Sa ngayon ay patuloy pa ring iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan ng sunog, gayundin ang kabuuan nang napinsala. (With reports from Bombo JC Galvez)