-- Advertisements --

Naniniwala si Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan na napapanahon na i-digitalize ang mga proseso sa mga local government units (LGUs).

Binigyang-diin ng Kongresista ang digitalisasyon sa lokal na pamahalaan ay mag-uudyok ng paglago ng ekonomiya sa mga rehiyon, kung saan ang pinadaling aplikasyon sa negosyo ay makahihikayat ng mas maraming mamumuhunan at ang mga micro enterprises ay makikinabang mula sa paggamit ng mga digital na platform upang mapalawak ang kanilang saklaw ng merkado.

Giit ng mambabatas na nararapat lamang na maging handa ang mga LGUs sa paggamit ng ng digital technology para ma improve pa ang pagbibigay serbisyo sa publiko.

Sa sandaling mag digitalize na ang mga LGUs mababawasan na ang mga paperwork at magiging mas madali na ang trabaho.

Sa kabilang dako, pinuri naman ni Rep. Yamsuan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa suporta nito sa digitalisasyon ng mga proseso ng lokal na pamahalaan bilang isang paraan upang makapaghatid ng mas tumutugon, transparent, at epektibong serbisyo sa publiko.

Dagdag pa ni Yamsuan ang digitalization ay nakokomplemento sa mga pangako ng Pangulo na suportahan ang mga programa ng LGU tungkol sa paghahanda sa kalamidad at kapayapaan at kaayusan.

Nagbubukas rin ito ng maraming oportunidad, mula sa pagtulong na mapigilan ang krimen at pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa ating mga tagapagpatupad ng batas, hanggang sa paggawa ng ating mga komunidad na ligtas sa pamamagitan ng mga sistemang maagang babala at iba pang teknolohiya na nagpapabuti sa pag-iwas sa kalamidad at paghahanda.