Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan ang Kongreso na ipasa ang Online Registration and Renewal for Solo Parents Act o ang House Bill 4034 upang gawing mas madali, mabilis, at mura ang pagkuha ng Solo Parent Identification Card (SPIC).
Sa ilalim ng panukala, ang mga Solo Parent Office (SPO) ng mga lokal na pamahalaan ay direktang makikipag-ugnayan sa Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pang ahensya ng gobyerno para sa mga kinakailangang dokumento, upang hindi na ito abalahin ng mga aplikante.
Ayon kay Yamsuan, layon ng online system na makatulong sa mga single parent na nahihirapang kumuha ng SPIC dahil sa gastos at haba ng proseso. Suportado rin niya ang isinasagawang pilot test ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa online Solo Parent ID System alinsunod sa Expanded Solo Parents Welfare Act (RA 11861).
Dagdag pa ni Yamsuan, tutulong ang House Bill 4034 upang magkaroon ng sapat na pondo at maipatupad ang online system sa buong bansa.
Batay sa ulat ng Commission on Human Rights (CHR), maraming solo parent ang hindi nakikinabang sa kanilang mga benepisyo dahil sa kakulangan ng impormasyon at mahal na proseso ng aplikasyon. Tinukoy din ng pag-aaral ng World Health Organization (WHO) na may humigit-kumulang 14 hanggang 15 milyong single parent sa bansa, karamihan ay kababaihan.












