Armed group killed sultan kudarat shooting

(Update) CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa anim ang patay, lima ang sugatan at nasa 14 ang naaresto kasunod nang engkwentro ng militar at armed lawless group (ALG) sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Ayon kay 601st OIC Brigade commander Col. Joel Mamon, tumanggap sila ng ulat sa prisensya ng mga armadong kalalakihan sa Purok Galmak, Brgy Baumol, Lambayong, Sultan Kudarat.

Agad namang nagsagawa ng law enforcement operation ang tropa ng 40th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Rogelio Gabi.

Papasok pa lamang ang militar sa kuta ng grupo ni Tugali Guiamal Galmak alyas Kumander Tugal ay agad na silang pinaputukan ng mga rebelde.

Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig dahilan kaya nagsilikas ang ilang mga sibilyan.

Anim naman sa mga rebelde ang nasawi, lima ang sugatan at 14 ang nahuli kabilang na si Kumander Tugal.

Narekober sa mga rebelde ang 16 na matataas na uri ng armas, mga pampasabog at sangkap sa paggawa ng improvised explosive devices (IED).

Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief, Major Diosdado Carreon ang 40th IB sa matagumpay nilang operasyon.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng militar ang mga kasamahan ni Kumander Tugal sa bayan ng Lambayong sa Sultan Kudarat.

surrenders armed group arms covid doh Sultan Kudarat