KALIBO, Aklan – Nahaharap sa kaukulang multa ang anim na katao matapos na maaktuhang pinapala ang buhangin sa tabi ng baybayin sa isla ng Boracay.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Kalibo, nasa 23 sakong buhangin ang narekober ng mga opisyal ng Barangay Yapak sa under construction na hotel sa nasabing isla.
Sinasabing mismong mga opisyal ng barangay ang nakahuli sa mga construction worker na pinapala ang buhangin sa dalampasigan kaya kaagad nila itong sinita.
Sa halip na magpaliwanag ay kumaripas pa ng takbo ang anim hanggang sa naiwan ang tatlong sako na puno ng buhangin, cellpone at sand screen na ginamit sa pinong buhangin.
Nabatid na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang Municipal Ordinance 310 kung saan, ipinagbabawal ang pangunguha at pangongolekta ng buhangin at pebbles sa Boracay.
Ang sinumang mahuli na lumalabag dito ay may kaukulang parusa gaya ng pagmumultahin ang mga ito ng P2,500 o makukulong ng isa hanggang sa anim na taon at babawiin ang bussiness permit kung ang may salarin ay mga nagmamay-ari ng mga establisyimento.