Nasa mahigit 500 ngayon ang nakalap ng Department of Health (DOH) na karagdagang kaso ng COVID-10 matapos maitala ang nasa 582.
Ito ang pinakamataas na bilang mula nitong nakalipas na December 5.
Sa kabuuan ang mga tinamaan ng virus sa Pilipinas ay umaabot na sa 2,837,464.
Samantala mayroon namang naitalang 494 na mga bagong gumaling.
Ang mga nakarekober sa coronavirus ay may kabuuang 2,776,727.
Habang nasa 74 ang mga nadagdag sa listahan na mga pumanaw.
Ang death toll sa bansa dahil sa deadly virus mula noong nakaraang taon ay nasa 50,570 na.
Sa ngayon nasa mababa pa rin ang bilang ng mga aktibong kaso na umaabot sa 10,167.
Sa kabilang dako mayroon lamang isang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Tuloy pa rin naman ang paalala ng DOH sa publiko ukol sa pag-iingat laban sa COVID-19.
“Dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask na may face shield, mag physical distancing, at maghugas ng kamay. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19,” bahagi ng DOH advisory.