CENTRAL MINDANAO- Isang lalaki ang namatay habang nasa loob ng Josefas Lodge sa Cotabato City.
Base sa kaniyang Digital I.D. kinilala ang nasawi na si Jerry Angoto Pigcaulan, 55-anyos at residente ng Brgy Capiton Datu Odin Sinsuat Maguindanao.
Kasama naman ni Pigcaulan sa lodging house ang isang Zafra Omar Hamid, 50-anyos, negosyante at residente ng Brgy Kudal Pagalungan Maguindanao.
Kwento ng isang room boy nag-check in ang dalawa sa Room 16 sa lodging house.
Makalipas ang ilang oras ay bigla na lamang lumabas si Hamid at humihingi na nang saklolo sa mga staff ng Josefas Lodge upang tulungan si Pigcaulan.
Nagawa pang mailabas sa kwarto si Pagcaulan ngunit kalaunan ay bigla na lamang itong nanigas at hindi na humihinga kung saan binawian ng buhay na posibling inatake sa puso.
Dagdag ni Hamid na nagtaka na lamang umano siya dahil kakain lamang sila ni Pigcaulan ngunit dinala siya nito sa lodge.
Pabalik-balik umano sa CR ang biktima at apat na beses umihi at bigla na lamang nangisay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Cotabato City PNP sa naturang pangyayari.