-- Advertisements --

ayuda

Nadagdagan pa ang mga lugar sa Quezon City na isinailalim sa Special Concern Lockdown (SCLA) dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte nasa 53 na mga lugar ngayon ang nasa granular lockdown.

Nilinaw ng alkalde na partikular lugar lamang ang sakop ng SCLA at hindi buong barangay.

Siniguro ng QC LGU na mamahagi sila ng food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya.

Ang mga ito ay sasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.

Batay sa datos ng City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) ang siyudad ay mayroong 13,252 active cases mula sa 150,740 na kabuuang bilang na nagpositibo sa lungsod na ngayon ay pinagtutuunan ng pansin.

Ayon sa CESU nasa 90.3% o 136,104 na ang gumaling sa COVID-19 infection.

Batay naman sa datos ng PNP Joint Task Force Covid Shield nasa 59 barangays sa NCR ang nasa ilalim ng granular lockdown kung saan karamihan dito ay sa Quezon City na mayroong 32 barangays.

Tanging ang area ng Manila Police District (MPD) ang walang naitalang barangays na isinailalim sa granular lockdown.

Agad namang nagpaabot ng ayuda ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ng Office of the City Mayor para sa Missionary Sisters Servant of the Holy Spirit sa Barangay Immaculate Concepcion at Religious of the Virgin Mary sa Barangay Kaunlaran.

Saku-sakong bigas, canned goods, vitamins, toiletries, alcohol at facemasks ang binigay para sa mga residents ng nasabing kumbento ng mga madre.

Sa kabuuan, mahigit 100 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa dalawang kumbento at may isa na ang pumanaw.

Sa ngayon isinailalim na rin sa Special Concern Lockdown ang dalawang kumbento para maiwasan ang pagkalat ng virus.