-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nangangamba ang mga residente ng Barangay San Marcos sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte sa posibleng pagkaanod sa kanilang mga tahanan dahil sa hindi natapos na flood control project ng Department of Public Works and Highways.

Ayon kay Mrs. Aida Labutong, isa sa mga residente ng nasabing barangay, natatakot daw sila dahil malapit ng umabot ang tubig sa kanilang mga tahanan lalo na kapag may malakas na ulan o bagyo.

Giit nito na hindi umano sila dapat magpaliban dahil maraming residente ang maaapektuhan at malalagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa mararanasan na pagbaha.

Kaugnay nito, ipinaalam ni Barangay Chairman Federico Simpliciano na nagsimula noong nakaraang taon ang flood control project sa Nangabungan Creek ngunit tila’y hindi pa sila nakakapagsimula.

Paliwanag niya, lima hanggang walong construction worker lamang ang nagtatrabaho sa nasabing ilog kaya matatagalan pa ang proyekto.

Nangako aniya ang Department of Public Works and Highways na tatapusin ang flood control project sa buwan ng Setyembre ngunit para sa kanila ay malabo itong mangyari dahil marami pang dapat gawin.

Samantala, sa pagtungo ng Bombo Radyo Laoag News Team sa lugar ay napag-alaman na ang contractor ng flood control project ay ang Megapolitan Builders and Construction Supply kung saan ay umabot sa mahigit 104 na milyong piso ang pondo nito.